Matagal na akong 'fed up' sa kapitalismong sistema ng Star Cinema. Siyempre kapitalismo naman talaga ang oryentasyon ng mga movie makers. Pero nitong nagdaang mga taon, namimihasa na ang Star Cinema.
Hindi ko matanggap na nagba-box office hit ang mga pelikula nila o kung anong pwedeng hit pa ang maaring itawag doon. Masyadong mababaw ang istorya ng mga pelikula. Nakakabobo ng manonood.
Ipinagtataka ko kung paano naging Best Picture and Tanging Ina Last na 'To noong 2010 sa parehong film fest din na 'supervised' by MMDA (Metro Manila Development Authority. ahensya ng gobyerno na namamahala sa kabasurahan ng Metro Manila, at number one na nagpapagulo ng trapiko ng kalunsuran). Doubtful lang ako noon. Nadismaya matapos kong panoorin yung pelikula. Best Picture DAW, ngunit disappointment lamang ang hatid. Dapat nga Rosario talaga yung nanalo doon eh. Kaso nga nakabatay din daw sa sales ang criteria ng Best Picture. So, ibig sabihin malaki palang porsyento ng criterion ang para sa "Audience Impact"?
Movie of the Year pa pala siya, ano? #nakakabahala. Last movie na raw, at hayun kinutsaba pa si Vic Sotto. Napakasinungaling talaga ng mga kapitalista, parang pulitiko lang. Last na raw, last na raw, pero hihirit pa. Nagbunga naman. Humirit pa talaga dahil malakas talaga ang 'masa' powers ni Vic Sotto. At siyempre ang sex appeal sa mga tsiks. #PauleenLuna
Wala naman akong problema kay Ai-ai, Eugene Domingo o sa mga Lopez mismo. Ang akin lang, ang pelikula ay art, at hindi consumerism. Masasabi mong hindi naman talaga maiiwasan na tanggalin ang kapitalismong oryentasyon ng mga pelikula, ngunit naging ugat ito na pinuno ng mga movie makers ng kababawan ang mga manonood. Nasanay sila sa mali. Kaya nga walang indie film na nakakasali, sa production pa lang talo na sila at wala pang garantiya ang income, kung meron man.
Para bagang nawala ang 'depth' ng mga pelikula ng mawala si Lino Brocka, Nora Aunor, at FPJ. Siyempre mahihiyang bigyan ng pipitsuging story line at cheap script ang mga iyan.
Marahil maari namang ipamahala na lamang sa National Commission for Culture and the Arts ang patimpalak, para yung mga 'fraud' na nangyayari ay medyo mabawasan. Napaka-ironic na ang convenor halimbawa sa isang contest ng mga dramatista ay mga basurero.
Nito-nito lang, medyo natuwa naman ako dahil nanalong Best Picture ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Siyempre gangsta ang tema. Yung notorius gang leader umano naman ang naging bida. Ikaapat na remake na yata ito. May 'depth' talaga kaya binabalik-balikan.
Malayung-malayo ang pagka-Best Picture ng Manila Kingpin kay Tanging Ina. Parang kang nag-match ng performance ni Dick Gordon at Noynoy Aquino. Isang prolific, at isang baog.
Bukod sa pagiging 'kriminal' umano ng Manila Kingpin, medyo may pulitikal na hawi rin ito. Bibihira lamang kasi ang palabas na nagbibigay ng pulitikal na pakikialam sa mga manonood. Pinauso kasi ni John Lloyd na ang pinakamalaking problemang haharapin ng isang lalake ay problema sa pag-ibig. Ingat!
Hindi rin totoo na hindi mo tatayuan ang Panday 2, base na rin sa mga interview umano ng mga nanood. Kung meron kang hindi tatayuan, ito yun! Kaso tumayo ako sa kalagitnaan ng pelikula. Ihing-ihi na ako. Pero sa banyo pinag-uusapan pa rin ng mga kalalakihan ang pelikula. Dinala ang diskurso sa banyo. TNL!
Napapalakpak ako sa Death Scene ni Ketchup Eusebio. Oks na oks.
![]() |
| Copyright: Philippine Star |
Natawa lamang ako na tila may tirade ang pelikula sa Liberal Party at Nacionalista. Lumabas na pareho silang madumi mamulitika. Ahem. Nagpapapatay. Teka, ano bang party ni Ejercito?
Sana magkaroon ito ng Part 2, kahit Prequel kung papaano siyang naging Asiong Salonga. Parang magiging masaya iyon.
Hindi mo na kelangang manood ng Tanging Ina. Kapag napanood mo na ang mga nauna pang installment noon, ano pa bang aasahan mo sa parehong mga artista, writers, at studio? Yung Panday 2, may bahid ng pag-OK. Pwede na. Graded B.
Siguro mas magiging 'healthy' sa mga Pinoy kung medyo maayos-ayos ang mga pelikulang napapanod nila. Yung mag-iisip talaga kahit minsan lang sa isang taon. Kung talagang gusto nating ibalik ang popularidad ng Metro Manila Film Festival sa buong mundo gaya ng ginawa ni Marcos noon, simulan natin sa Star Cinema. Jokes. Baka sabihin mong namemersonal ako. Repleksyon kasi ng isang bansa ang klase ng pelikulang meron para sa mamamayan nila.

Keri.
ReplyDelete