Tuesday, 17 January 2012

600 na ang friends ko sa Facebook, e ano ngayon?

Opisyal naman siguro ang tala ng bilang ng friends ko sa Facebook, ito’y 600 na sa huli kong log-out. 600 friends na ibinulwak ng pag-accept ng friend requests, pag-click sa Add as a Friend, at pag-like sa mga fan pages. Sa mga 24/7 kung makapag-Internet puwedeng tawanan ang 600 na bilang dahil wala nga naman itong sinabi sa kanilang 2,000 hanggang 5,000.

May dapat bang ipagbunyi sa pagkakaroon ng 600 (online) friends? Dapat ba akong tumalon sa tuwa tulad ng 600 million jackpot prize winner ng lotto? Dapat ba akong ma-touch na sa 600 na yan may 600 na dadamay sa aking kalungkutan, susuporta sa aking aspirasyon, magpapayo sa tuwing nagkakamali?

Natatandaan ko ang sagot ni Hillary Clinton nang tanungin siya ni Maxene Magalona kung gaano kahalaga ang mga social networking sites (Facebook, Twitter, Multiply) para sa isang US Secretary of State. Sagot ni Clinton, empowerment of the individual.

Ang mga social networking sites ay nagpapanday ng virtual relations sa mga taong pumapalaot sa virtual na mundo at tumatangan ng virtual na identidad. Sa akto ng pag-log-in, tumutungo tayo sa dimensyong lahat ay puwedeng marating (wall at fan pages ng iba’t-ibang nilalang), puwedeng gawin (uriratin ang buhay ng iba, makipagdiskusyon, magpost ng kung anu-ano, maglaro ng virtual games), at puwedeng mangarap lampas sa inaasahan (sumikat sa pagkakaroon ng kulto ng tiga-sunod na mag-aabang sa iyong mga litrato, videos, post-entries, tweets). Magagawa ang lahat ng iyan sa simpleng pagbababad sa computer.

At sa pag-log-out, na hudyat ng pagbabalik sa realidad, baon ang karanasan at pantasyang inani mula sa paglalakbay sa virtual na uniberso, dala-dala hanggang sa panaginip, at sa paggising ang mga ito ang magpapaandar sa ating araw. Aba! Tila nga naman empowered ang indibidwal.

Ngunit kakatwa na ang sinasabing empowerment ay nanggagaling sa mediated na bagay—ang karanasang pinanghihimasukan ng computer at Internet para makamit ang kapangyarihang walang lubos na ahensya ang indibidwal. Hindi siya empowered dahil nagmumula ang kapangyarihan sa sarili na hinubog ng makabuluhang pakikipagrelasyon sa lipunan kundi siya ay empowered sapagkat itinakda ito ng asosasyon sa virtual na mundong pag-aari ng negosyo at sistemang kapitalismo.

Social networking sites ang isa sa mga aparato ng negosyo upang magpasok ng transnasyonal na kultura at kapital sa bansa. Minamarkahan nito ang dinamikong pag-usad ng kosmopolitanismo na nagsisiwalat ng ideal na karanasang dapat madanas ng lahat, ang gitnang-uring pamantayang ikaw ay dapat gumawa ng sarili at magpalawak ng espasyo sa virtual na mundong kailanman ay hindi mo tunay na mararating.

Sa aking kontensyon, masikhay ang kampanya ng individual empowerment bilang moda ng intelektwal na produksyon ng sa gayon ay di sumemplang ang kooptasyon ng social networking sites sa paggamit ng makabagong teknolohiya at magpatuloy ang mga ito bilang economically and culturally viable na produkto ng globalisasyon.

Bonus lang kung namamaximize ang potensyal ng Facebook at Twitter na isangkot ang kanilang users sa pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. Pakaisipin na kolektibong puwersa na humuhugot sa mga aral ng kasaysayan at ginagabayan ng mahigpit na panlipunang pangangailangang tigib sa wastong linya ng politika at demokratikong metodo ang gasolinang magpapatakbo sa makina ng adhikaing nabanggit, at hindi ang indibidwal na kapangyarihang nakasandig sa gawa-gawang mass base o network ng virtual friends na ang hayag na driving force sa paggamit ng Facebook o Twitter ay libangin ang mga sarili.

Hungkag ang empowerment ng indibidwal sa ganang hungkag din ang kanyang panlipunang relasyon. At ang mala-eskapistang kaisipang nagkakaroon ng 2,000 friends maging ng socially-inept na tao sa pamamagitan ng social networking sites ay nagpapanatili sa alienated na pakikipag-ugnayan.

Biktima tayo lahat ng alienated social relation. Friends tayo, oo, pero di tayo puwedeng maging friends kung wala tayong bagay na bibilhin para makipag-ugnayan. Friend kita pero di kita kilala. Na-accept ko lang iyong request mo kasi 100 ang mutual friends ko sa iyo. Ngayon, ibebenta ko ang aking kaluluwa sa sinumang magsasabi na lahat ng 3,000 friends at followers niya ay tuwiran niyang kakilala, kaibigan, o kamag-anak.

Kaya nga sang-ayon ako sa paratihang ibinabandera ni Kabataan Partylist Rep. Mong Palatino na ang pamosong si Lola Techie ang pinakamalungkot na tao sa mundo. Imbes kasi na gastahin ng matanda ang kanyang mga huling araw sa aktwal na pakikipagkapwa-tao naroon siya’t sinasaid ang lakas sa pakikipag-usap sa mga virtual na kaibigang di man tiyak kung magagawang bisitahin siya sa kanyang burol.

Idagdag pa ang, para sa akin, di nakatutuwang eksena sa mga coffee shops at leisure places. Nasa iisang espasyo ang mga tao ngunit hindi nagpapansinan, walang pakialamanan, ayaw magambala ang bonding sa kani-kanilang laptops, gustong manatili sa mundong tanging sila ang bida at lahat ng kanilang kilos ay balita na sila-sila rin naman ang nag-uulat.

E ano ngayon kung 600 na ang friends ko sa Facebook? Mukhang wala naman maliban sa kasali na rin sa listahan ng mga biktima ng tila highway robbery na modus operandi ng kapitalismo.

0 comments:

Post a Comment

Reply and make us smile.